Isang pagpupugay sa mga kapita-pitagang tao na kayang itaya ang kanilang posisyon, katungkulan, para ipaglaban ang kapakanan hindi ng sa marami kundi ng sarili at piling mga tao.
Nakakamanghang kaya pa pala nilang kumain at matulog, lumunok at magpahinga, na hindi nababagabag ang kanilang kaluluwa. Hindi ba’t ekstraordinaryo na ang mga taong nababansagan—at nagsasabing sila ay—eksperto ngunit ang mga ekspertong ito mismo ang bumabali sa propesyong dapat sana’y itinatatag nila hindi para sa kanilang sarili kundi para sa karamihan. Nakakatuwa. Isang saludo para sa mga ekspertong ito.
Sining—hindi…hindi sapat ang salitang ito upang mabigyang hustisya ang walang kapantay na galing ng mga propesyonal na ito. Tama na ba ang sagradong sining? Sa sobrang sagrado pili lamang ang mga taong nabiyayaan ng ganitong kakayahan. Yung mga tipong nakapagtapos ng higit sa labingdalawang taon ng pag-aaral ngunit tila walang natutunan(saying naman ang matrikula ng mga taong ito). Sa sobrang sagrado kakaunti rin lamang ang nabibigyan ng benepisyo ng kanilang katangi-tanging serbisyo. Hay…
Ang hangaring mapabuti ang karamihan ay malayo na sa kanilang isipan. Nasa pangakong sinumpaan na lamang ang katagang serbisyo(hindi katulad ng mga dukhang nagnanais maglingkod ngunit tila tinanggalan ng karapatang maglingkod). Hay…
Ito ang mga kapita-pitagang taong ating ginagalang na dapat sana’y ating hinahangaan.
Bakit hindi natin sila palakpakan? Para man lang sa nakadidiring direksyon na tinutungo ng kanilang mga buhay, may baon silang pagsamba na hindi nila makukuha sa impyerno.
No comments:
Post a Comment