Nagkataon lang siguro na mahilig akong maggitara at mahilig ka naman magbass. Nagkataon din na naghahanap ka ng kakanta sa banda mo, at naghahanap ako ng ibang mapaglilibangan. Nagkataon din marahil na parehas tayong naghahanap ng matataguan.
Nagkataon na tamad ka at mautos ako na nagawa mo pang ihatid ako pagkatapos ng una nating pagkikita. Sinorpresa mo ako, siguro pati ang sarili mo. Pero sa mga panahon na yun hindi mo lang yun pinagtuunan ng pansin. Alam ko naman na hindi pa sumasagi sa isip mo ang tungkol dun.
Nagkataon na magsisimula na ako ng panibagong yugto ng aking buhay sa ibang trabaho. Naroon ka para sumuporta. Tapos ngayon kasama na kita.
Nagkataon din na pinanganak ka sa araw kasunod ng birthday ng mga lolo't lola ko. Ang galing din tumayming ni Lord. Kung kelan naman halos isumpa ko na ang November, dumating ka pa. Ayos.
Tapos ngayon birthday mo pa. Pinahirapan mo pa ako kasi nagkataong mahirap ka regaluhan samantalang nasurpresa mo na ako nung birthday ko. Pasaway ka talaga.
Ang daming nagkataon, no...pero hindi 'nagkataon' yung title nito. Kasi hindi na yung nagkataon yung tinitingnan ko. Ang nakikita ko na lang yung "ikaw" yung kasama ko sa maraming pagkakataon. Ikaw rin ang magiging kasama ko sa iba pang pagkakataon. Ikaw na rin an nagsabi na yun ang mahalaga.
Isa pa nga palang bagay na hindi lang nagkataon: mahal kita.
No comments:
Post a Comment