10.8.09

ITINAE NG PANULAT

Hindi ito ang unang beses na ginusto kong mangarap sa ilalim ng bilog na buwan. Tawagin na akong baliw at mapanaginipin, sentimental at kung anu-ano pa. pero hindi ba kahit sinong pintor maakit sa ganda nito lalo pa’t full moon sa alas dose ng gabi. At pwede ba, hindi ko kailangang magpaliwanag na hindi ako aswang at kung anu-ano. Alipin ako ng sarili kong kasamaan, tanggap ko yun at dahil sa pagkakaaliping ‘yun, lagi kong gusto makita ang kagandahan ng gabi.


Liwanag sa gabi, at dilim sa umaga, ang mga tanging bagay na gusto kong Makita sa mundo. Mga bagay na kadalasang wala ngang kwenta gaya ng mga pangarap na hindi man lang nagkaroon ng pagkakataong maging totoo, mga bahagi ng isipang hindi man lang maigawang mailabas, mga bagay na pinaghirapang tunay, pinagaksayahan ng panahon, pawis na sa huli ay basura lang: bulok, mabaho, nakadiri.


Iniisip ko: nagpapakamakata ba ako para saw ala? Lagi na lang akong aasa—hanggang saan, kelan, ako aasa—hanggang pangarap na lang ba ako?
Tama nga ba si Rizal na ang manunulat ay kalaban ang lahat maging ang sarili? Kung talagang ganun, masasabi ko talagang bigo ako. Dahil sa pagpipilit kong makaahon, pilit kong inabot ang mga pangarap ko nang sabay-sabay. At nahulog ako.


Oras na para tumayo.


Pagkatapos lumubog, kailangan na akong lumabas at maghugas ng kamay. Hindi lang para umiwas sa responsibilidad na ako mismo ang kumuha kundi upang magsimula uli.

*originally written: 15 april 2006

No comments: